EXCLAMATION POINT

Tuesday, March 06, 2007

BAKIT AKO MAHIRAP?

Kahapon, binibilang ko ang laman ng wallet ko. Meron pa akong natitirang isang daan at ATM na di ko mawari kung magkano na lang ang laman. Final exams na kasi, huling bayaran na ng tuition ng kuya ko. Hay, life...

Sa mga ganitong panahon ko naiisip lahat ng pinagdaanan ko sa buhay nung nag-aaral pa ako sa college. Hindi naging madali para sa akin na makapagtapos at ipinagpapasalamat ko ring ganon ang nangyari sa akin kaya siguro mabait ako. Hehehe.

Ang totoo niyan, marami po akong mga karanasan na talaga namang kakaiba at hindi ko talaga malilimutan. Hayaan nyo pong maibahagi ko ito sa inyo.

Isa ako sa mga hindi pinalad na makapasok sa Unibersidad ng Pilipinas; hindi po dahil sa hindi ako nakapasa ngunit dahil wala po akong pitong libo mahigit noong panahong iyon. Hindi rin naman ako pinalad na makahabol sa pasahan ng application sa STFAP. Ito ang naging unang dagok sa aking buhay kolehiyala.

Naaalala ko pa noon, nakita ko ang aking inang na umiiyak sa harapan ng pinto. Nagkukubli. kasabay ng hithit sa yosi ang pagdaloy ng luha sa kanyang mga mata. Hindi ko na siya kinausap. Hindi ko kaya. Hinayaan ko na lamang siyang maglabas ng kalungkutan niya para sa aking sinapit. Alam ng Diyos na pilit kong itinago ang nadarama ko sa pangyayaring yaon ngunit waring hindi ko maitago ang aking hinagpis. Bakit ako naging mahirap?

Buti na lamang, may natitira pang unibersidad tulad ng PUP na talaga namang tumutulong sa mahihirap na katulad ko. Sa halagang tatlong daan na inutang pa ng aking ina sa aking tiyuhin, ako ay nakapasok sa PUP.

Unang araw ng klase noon; bitbit ang isang daang pisong baon, kabado akong pumasok noon sa eskwela. Sa hintayan ng jeep, may nakasabay akong kapwa PUPian na nakipagkaibigan. First year din siya. Nang nagbayad na kami ng pamasahe, pareho kaming walang barya kaya't ako muna ang nagbayad. Bumaba kami. Sumakay ng biyaheng Stop 'n Shop. Muli, ako ang pinabayad niya dahil wala pa rin siyang barya. Pagdating ng Teresa St., inaasahan kong babayaran na niya ako. Ngunit dali-dali siyang sumakay ng tricycle papuntang Jasmin building.

Samakatuwid, tinakbuhan niya ako. Naiwan akong P40 na lamang ang natira sa baon ko.

Dumating ang tanghalian. Kainan na. Dahil wala na akong pera, nagtiyaga na lamang ako sa tinapay at gulaman. Wala pa akong ballpen. Siyam na piso na lamang ang natira sa pera ko. Dyahe namang manghiram ng pera sa kaklase ko. Unang araw pa lang, utang na.

Alam nyo ba yung 123? Oo, wala na akong magawa noon kundi gawin yon. Ang huli kong perang P9, binayad ko na lang sa jeep patungong Montalban. Kulang pa ng dalawang piso. Wala na akong magawa kundi dedmahin ang paulit-ulit na tumatawag na konduktor dahil kulang ang binayad ko.

Nang mga sumunod na araw, lumiit ang baon ko sa P50. Wala akong magawa kundi paulit-ulit na mag-123 at magbayad nang kulang na pamasahe. Kung maaari lamang na isisik ko ang payat kong katawan upang hindi ako mapansin ng konduktor ng jeep ay gagawin ko. Kalabisan kung tutuusin, mali kung iisipin. Garapal. Nakakahiya.

Ultimo ang binabaon ko, pinangungutang ko pa sa tiyahin at tiyuhin ko. Araw-araw, dadayo ako para mangutang. Oo, garapal. Nakakahiya.

Ani ko naman, gusto kong pumasok. Gusto kong mag-aral. Tiniis ko ang kumakalam na tiyan at kahihiyan upang maitawid ko ang sarili ko sa kolehiyo. Madalas, umiiyak ako sa gabi. Nagmumuni-muni. Nagtatanong. Bakit ako mahirap?

Lumipas ang panahon, marami rin namang tumulong sa akin. Nakitira ako sa iba't ibang bahay. Dumadayo sa mga kamag-anak upang manghingi ng pambaon. Apat na taon akong umiiyak. Nagmumuni-muni. Nagtatanong. Bakit ako mahirap?

Hanggang dumating ang isang araw. Nakaitim ako noon. May suot na sumbrero. Makapal ang make-up. Pinagpapawisan. Naghihintay. Kinakabahan. Pinatayo kami at pinalinya. Umakyat sa hagdanan. Tinawag ang aking pangalan.

Donna Babadilla, Cum Laude.

Nakakabinging palakpakan. Tila tumigil ang buong mundo ko. Ayaw umusad ng aking mga paa. Mabigat nung una. Nang kalauna'y gumaan. Sa dulo ng aking nilakaran ay ang nakabubulag na liwanag. Liwanag sa lahat-lahat.

Alam ko na kung bakit ako mahirap.

Donnabee :: 10:08 AM :: 0 Comments:

Post a Comment

---------------oOo---------------